Bitak sa lupa sa Taal, ikinabahala ng ilang residente

TAAL, Batangas – Nakuhanan ng residenteng si Jay Em Simara ang lumaking bitak sa lupa sa bayang ito, matapos ang sunod sunod na lindol at pag-uulan noong Biyernes sa Brgy. Laguile.

Kuwento niya, nagulat sila nang makitang lumaki na ang mga bitak dito habang umuulan.

“Unti-unti po siyang lumubog gawang nalambot po ang lupa. Nung tumagal nang tumagal po ang ulan, at nalaki na po ang baha, lumubog po ng lumubog siya,” ayon kay Jay Em Simara, residente ng lugar.

Nangangamba rin ang iba pang residente. 

“Baka po lahat ng faultline eh baka po ganyan, lumaki lahat,” ayon kay Edmar Corsoni na residente ng lugar. 

Nauna ng sinabi ng Taal resident volcanologist, Paolo Reniva na patuloy nilang pinag-aaralan ang pangyayaring ito lalo’t noong Enero pa lumabas ang mga bitak na ito noong pumutok ang bulkang Taal.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Taal, pinatambakan na nila ang mga bitak na ito.

“Nabisita na ‘yan ng DPWH kung papaano ang dapat gawin. Basta ang importante, ‘wag silang tumayo sa ibabaw ng fissures,” sabi ni Taal Mayor Pong Mercado.

Ibayong pag-iingat daw ang marapat na gawin ng mga residente dito.

Samantala, ayon kay Mayor Pong, nasa 300 hanggang 500 na bahay ang naapektuhan ng mga ganitong fissures o bitak sa lupa.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *