2 dalagita, magkahiwalay na pinaslang at hinihinalang ginahasa sa Negros Occidental

Dalawang dalagita ang natagpuang patay at hinihinalang ginahasa sa magkahiwalay na lugar sa Negros Occidental. Ang isang biktima,  nakita ang katawan na nakasiksik sa ilalim ng pundasyon ng tulay.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “Saksi” nitong Lunes, sinabing nakita ng isang mangingisda ang bangkay ni Jeralyn Casipong, 17-anyos,  sa ilalim ng tulay sa Sipalay City.

Sumisisid daw noon ang mangingisda nang makita niya ang bangkay ng biktima na walang saplot pang-ibaba at nakasiksik sa ilalim ng pundasyon ng tulay.

Ayon sa pulisya, nasa state of decomposition na ang bangkay ng biktima at wala pang malinaw na resulta sa isinagawang awtopsiya.

Lumitaw sa imbestigasyon na bisperas ng bagong taon nang huling nakitang buhay  si Jeralyn nang makipagdiwang sa bahay ng kaniyang kapatid sa katabing barangay.

Nakipag-inuman daw ang biktima sa kaniyang mga kakilala at nagpaalam na may bibilhin lang pero hindi na siya nakabalik.

Inimbitahan na sa pulisya ang mga nakainuman ng biktima para sa imbestigasyon.

RELATED STORIES

12-anyos na estudyante, patay sa saksak ng grade 11 student sa Negros OccidentalAlaala ni Amalia Fuentes, sinariwa ng mga kaibigan at kaanak sa huling gabi ng lamayBangkay ng 83-anyos na lola, inilabas sa nitso at hinihinalang inabuso ng 2 binatilyo

Sa Bago City naman sa naturang lalawigan pa rin,  nangangamoy na ng matagpuan sa tubuhan ang bangkay ng grade eight student na si Jemeiah Rose Oliveros, 14-anyos.

Wala na ring suot na pang-ibaba ang biktima nang matagpuan at limang araw na umanong nawawala.  Lumitaw na inutusan ng ama ang biktima na kunin ang ipina-charge na cellphone sa bahay ng kaibigan noong Enero 1.

Hinihintay pa ang resulta ng medical examination sa bangkay ng biktima para malaman kung pinagsamantalahan ang dalagita.

Patuloy na inaalam ng mga pulis kung sino ang nasa likod ng krimen.–FRJ, GMA News

You may also like...