Mga banyagang nagpapasok ng malaking halaga ng pera, pinaiimbestigahan

MAYNILA β€” Pinaiimbestigahan na ng mga mambabatas ang umano’y talamak na money laundering bunsod na rin ng pagdami ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, aabot sa 60 Chinese ang umano’y nakapagpasok ng milyon-milyong dolyar sa Pilipinas sa nagdaang buwan.

Sa loob ng 3 buwan, mahigit kalahating milyong Chinese din umano ang nakapasok sa bansa, kaugnay pa rin ito ng pagdami ng POGO.

“It’s suspicious. It’s definitely got something to do with money laundering… Paano dadalhin ‘yan, saan mo dadalhin? Three million, four million, I don’t think it’s being reported,” ani Gordon sa panayam ng DZMM noong Sabado.

Ayon kay Gordon, dapat magpaliwanag ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung bakit hindi namo-monitor ang mga pinapasok na pera ng mga foreigner sa bansa.
    
Naniniwala si Gordon na posibleng nagagamit ang pera sa ilegal na gawain.

“There is definitely an operation going… Aba napakadelikado,” anang senador. 

Nauna nang sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na kadalasan idinedeklara ang pera na gagamitin para umano sa travel, casino, at pagpapalaki pa ng investments o negosyo.

Para kay Sen. Panfilo Lacson, kahit pa idineklara ang pera, dapat bantayan at magkaroon ng masusing pagsusuri sa records ng foreign tourists. 

Pero dagdag ni Lacson, korapsyon pa rin ang dahilan kaya hindi na ito nagagawa.

“It all boils down to corruption,” ani Lacson.

Tiniyak naman ng Customs na mas paiigtingin nila ang pagbabantay sa pagpasok na kahinahinala at malalaking halaga ng foreign currency sa bansa.

    “The Bureau of Customs vows to continuously intensify its efforts on border protection and prevent the illegal movements of illicit money or capital to and from the Philippines,” sabi ng ahensiya. 

Nakatakdang mag-hearing ang Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa money laundering scheme ngayong darating na linggo.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *