‘Pang-good vibes’: Vice Ganda binayaran ang bill ng lahat customer ng botika

Patuloy sa pagtulong ang komedyante at host na si Vice Ganda sa mga nangangailangan matapos sagutin ang lahat ng bilihin ng mga customer ng isang botika sa Quezon City.

Sa kaniyang inilabas na vlog, naisipan ni Vice na ibahagi ang maraming biyayang natatanggap sa ilang tao na bumibili ng gamot para sa kanilang mga sarili at mahal sa buhay. 

Kinausap ng “It’s Showtime!” host ang may-ari ng isang botika at sinabing siya ang magbabayad ng lahat ng bibilhin ng mga customer hanggang sa magsara sila sa araw na iyon.

Ikinabigla naman ng maraming customer nang hindi sila pagbayarin ng drugstore sa kanilang mga binili. Nasa sasakyan lamang si Vice sa labas ng botika.

Isang babaeng matanda rin ang natiyempuhan na kapos ang pera at humihingi pa ng diskwento para sa pangkuha ng blood pressure. 

Halos maiyak ito nang malamang libre niyang makukuha ang mga gamot at iba pang binili dahil kay Vice. Lumabas din ang host pansamantala upang kausapin ang ilang customer.

“Praise the Lord,” banggit nito. 

Dahil natuwa ang komedyante, pinag-order niya pa ng pang isang buwan na pang-maintenance na gamot ng asawa ng isang customer. 

Nagkaroon na rin ng pila sa labas ng botika dahil sa pagdami ng mga nagnanais makakuha rin ng gamot. 

“Napakasimpleng pa-good vibes lamang ito pero sana makakapagbigay ng ngiti dun sa mapagbibigyan ng good vibes,” paliwanag ng komedyante. 

Alam umano nito kung gaano kamahal at hirap humanap ng pera pambili ng gamot lalo na sa gitna ng pandemya. 

“Imagine mo ‘yung maintenance, ang laking gastos nun. ‘Yung araw-araw na gamot, magkano ‘yun sa isang buwan, magkano ‘yun sa isang taon, magkano ‘yun kung ilang taon mo na siyang ginagawa?” sambit ng noontime show host. 

Labis ding natuwa si Vice sa kaniyang naibahaging tulong dahil alam aniyang ginawa siyang tulay ng Diyos para mag-abot ng biyaya.

“Sa part ko, ang sarap sa feeling na ako ang naging tulay dun sa blessing na inaantay nila. Hindi talaga ako ‘yung blessing. Ginagawa lang akong tulay ni Lord,” paliwanag pa nito. 

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *