Zoo, cartoons, kendi, lobo: LGUs may mga gimik sa COVID vaccination ng edad 5-11

MAYNILA – Sari-sariling diskarte ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para gawing child-friendly ang kanilang vaccination sites.
Ito ay bilang paghahanda sa pagbabakuna ng mga edad 5 hanggang 11 anyos kontra COVID-19 simula Biyernes, Pebrero 4.
- DOH sets rules for COVID vaccination of kids aged 5-11
- COVID vaccination for kids 5-11 to start in 6 sites
May itinalagang vaccination area naman ang mga awtoridad sa Manila Zoo kung saan tanaw ang aviary na tinitirhan ng iba’t ibang uri ng ibon para malibang ang mga bata.
“‘Yung mga bata siyempre natatakot, hesitant ‘yan, ayaw magpabakuna. But ‘pag sinabi mo naman sa kanila na, ‘OK lang ‘yan anak, after naman iikot ka dito sa Manila Zoo, makikita mo ‘yung iba’t ibang hayop na narito ngayon. Libre po ito,” ani Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan.
Plano ng San Juan City na gawing children’s party-themed ang pagbabakuna ng mga bata kontra COVID-19 sa Fil-Oil arena.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, bukod sa mga ilalagay na lobo at mascot ay magkakaroon din ng magic show sa lugar.
Bibigyan din ng mga candy ang mga batang magpapabakuna.
Layon aniya nilang mawala ang takot at kaba ng mga bata sa hiringgilya at aktuwal na pagbabakuna.
Hiling naman ni Zamora sa mga magulang na ngayon pa lang ay kausapin na ang mga anak at ipaliwanag ang dapat asahan sa COVID-19 vaccination.
Sa ngayon ay nasa 5,600 na ang mga batang ipinarehistro ng kanilang mga magulang online para mabakunahan kontra COVID-19.
Bawal muna ang walk-in vaccination para sa mga edad 5-11 sa San Juan.
Ganito rin ang patakaran sa Navotas, ayon kay Mayor Toby Tiangco. Aniya, sa Pebrero 7 magsisimula ang pagbabakuna ng mga batang 5 hanggang 11 anyos sa lungsod.
“Totoo, may agam-agam… Wait and see. But I’m not worried because if you would recall, even ‘yung adults, ganyan din naman noong una. Kahit kaunti lang ‘yan, kung makita nilang walang side effects, kakalat ‘yan. Mas mabuting ma-build ‘yung confidence. We’ve seen this before,” ani Tiangco.
Sisimulan naman ang booking sa Sabado, Pebrero 5, at mamimigay sila ng mga lobo at kendi sa mga bakunadong bata.
Nagsasagawa na rin daw sila ngayon ng mga townhall meeting lalo’t marami pa sa mga magulang ang may agam-agam na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Ang Malabon, na may 9,000 pre-registered na babakunahang 5 hanggang 11 anyos, maglalagay ng mga divider para magkaroon ng privacy ang mga bata at para hindi matakot ang iba kapag may mga umiyak.
Plano rin nilang maglagay ng screen sa vaccination sites na magpapabalabs ng mga cartoons.
Inaasahan na sa gabi ng Huwebes darating ang unang batch ng Pfizer vaccines para sa mga edad 5 hanggang 11 anyos at sisimulan sa Biyernes sa ilang piling lugar ang bakunahan.